Wanna find something? Type in.

Thursday, May 26, 2011

Nalaman ko na kahit gusto mo ang isang tao, hindi dapat sa kanya umikot ang mundo mo.

Mayroong anim na bilyong tao sa mundo at hindi ito umiikot para sa'yo o para sa isang tao. Hindi ito umiikot dahil lang masaya ka at hindi ito hihinto kahit malungkot ka pa.

Marami kang magagawa sa buhay mo kung hindi mo ito sasayangin kakaisip sa isang tao lalo na kung hindi ka rin naman niya iniisip. Masaya ring isipin na halos siya na ang bumubuo sa isang araw mo, isang linggo, isang buwan at pwedeng isang taon pa. Masaya, kung tutuusin, na gusto ka ng gusto mo at nagkakaintindihan kayo sa maraming bagay.

Pero hindi ka rin dapat masanay na nandyan lang siya lagi. Hindi mo dapat kalimutan na ikaw ay ikaw at siya ay siya. Hindi porke gusto mo siya at gusto ka niya, magkakaroon na kayo ng mundong pang-inyo lang. Hindi mo dapat kalimutan na may sari-sarili pa rin kayong buhay, kayo man o hindi.

Isang malaking pagkakamali kung hahayaan mong kainin ka ng sarili mong pagiisip na mabubuhay kayo ng kayo lang; na masaya ka dahil sa kanya lang; na malulungkot ka kung hindi kayo makakapag-usap kahit isang araw lang.

Isang malaking kahibangan ang mga bagay na ganito sapagkat ang buhay mo ay iyo. Hindi mo ito hiniram sa Diyos para hiramin ng ibang tao... o isang tao. Ikaw ang gagawa ng desisyon sa buhay mo. Ikaw ang mananagot sa lahat ng pagkakamali mo. Ikaw ang tatama sa mga maling nagawa mo.

Kahit sabihin pa nilang "nandito lang ako pag kailangan mo 'ko" o "hindi kita iiwan" o "naiintindihan kita", iba pa rin ang pakiramdam kung ikaw mismo ang nandyan para sa sarili mo, kung ikaw mismo ang hindi iiwan sa pagkatao mo para makisabay sa iba, kung ikaw mismo ang iintindi sa buhay mo at sa sarili mo.

Dahil bandang huli, ikaw lang naman talaga ang uunawa sa kung sino ka talaga. Ang utak mo ay hindi pag-aari ng iba. Hindi nila naiisip ang naiisip mo... Hindi nila iniisip ang iniisip mo...

Napakalaki ng mundo para ibigay ito sa isang tao lang. Hindi ito dapat maging hadlang para makilala mo ang sarili mo, ang ibang tao at higit sa lahat, ang Diyos.

Makapaghihintay ang lahat ng bagay.
May sagot sa lahat ng tanong.
May eksplanasyon ang bawat aksyon.
May rason lahat ng pagkakataon.


1 comment: