Alam ko normal yun. Pero ang weird nung kanina.
"Boogsh! Boogsh!" (gunshots)
Nagbabarilan sila. Wala ako sa characters ng panaginip ko, basta alam ko napapanood ko sila at nandun ako. Pero hindi ko makita sarili ko. Isang babae, isang lalaki. Tumatakas. Nakasuot sila ng mga damit na tila pang-sinaunang panahon pa. Pramis, walang halong biro. Pangalanan nga natin sila, nalilito ako! Yung babae si Chikitita, yung lalaki si Eduardo. (Parang pinagkaitan ng pagkakataon ang pangalang Chikitita.) Naka-white long sleeves 'tong si Chikitita, mahaba ang buhok, seksi, naka-cowboy pants at naka-brown boots. Si Eduardo, hindi ko alam, di ko nasulyapan ang kanyang pagmumukha. Pero malakas ang kutob ko na gwapo 'to eh. Sila yata ang bida sa panaginip ko.
May humahabol sa kanilang tatlong lalaki. Macho. Pero hindi papabols. Pang cowboy din ang suot at may Stetson hat pa.
"Booghs! Boogsh!" Naulit pa ang mga putok pero hindi pa rin maasinta ang dalawang nilalang na hinahabol ng mga halimaw. May tinalunan na pader si Chikitita, at napansin ko na hindi mukhang pader ng Pilipinas 'yon. Parang sa Spain siguro... o di kaya'y sa Italy?
Tumakbo pa sila. Hingal. Hinga. Hing. Hin. Hi. H.
Hindi na sila makapagsalita sa pagmamadali. At hindi ko rin alam kung bakit sila hinahabol. Ilang saglit pa, nakita na nila ang gate!
"Tara, Chikitita!", ang sambit ni Eduardo. Sa totoo lang, wala talagang sounds yun. Feeling ko lang na yun yung sinabi niya.
Ngunit anong gate 'to ay hindi ko rin alam. Basta ang alam ko, swerte nila at nakita nila ang gate na ito. Hindi engrande eh, simple lang. Kulay gray na napapalibutan ng mataas na dilaw na pader na gawa sa bricks. May grills na tama ang distansya sa bawat isa, sapat makapasok ang braso ni Machete. Ramdam kong kailangan nilang pumasok sa gate na 'yon. Pero paano? Naka-lock. Natatandaan kong may malaking silver padlock ito upang hindi mabuksan.
Hindi ko pa rin nakikita ang sarili ko sa aking panaginip. Nakapako kaya ako? Eh bakit nakikita ko ang ibang taong hindi ko naman nakita sa tanang buhay ko?
Naguusap sila. Hindi ko na maintindihan. Punyeta, panaginip ko 'to guys.
Nawala sila sa eksena. Ibang lugar naman ang napuntahan ng galera kong mga mata. Tatlong nilalang: dalawang lalaki, isang babae. Pangalanan ulit natin: Mercedita, Armando, at Pablo. Nakadamit din ata sila nang pang-cowboy at nasa parehong itsura ng lugar lamang, katulad kila Chikitita at Eduardo. Napansin ko na si Armando lagi ang nakikita ko. Gwapo, hindi gaanong maputi pero hindi maitim. Moreno. Gwapo, pero parang trenta anyos na. Gwapo, kaso may kulubot.
Tumatakbo din ang mga ito, pero hindi kagaya ng mga unang karakter na nabanggit na nagtatakbuhan sa labas, medyo sosyal sila. Sa loob sila ng isang imprastraktura tumatakbo. Ganoon pa rin ang mga pader ngunit ang lapag ay hindi gawang semento, gawa itong buhangin.
Mainit ang panahon. Nagtakbuhan pa sila na tila may hinahanap. Hindi sila hiningal. Kalaunan ay nakarating sila sa isang kwarto, sapat para magkasya ang sampung katao. Hindi ko alam kung gaano kataas ang kisame nito pero parang wala. Wala ring pinto papasok. Ngunit may isang gate na katapat ng pinasukan nila.
Naghanap pa sila. Alam nilang nandoon lang ang hinahanap nila. Ngunit hindi ko alam kung ano 'yon. Basta nararamdaman ko sa kanila na nandoon lang yon.
Nag-iba ulit ng lugar. Nasa labas na naman. Mainit!
Nasa tapat ng isang gate sila Chikitita at Eduardo. Tapos nawala, tumakbo sila ng kaunti. Baril. Baril. Takbo. Bumalik sila sa tapat ng gate. Kinalampag nila ito. Nagmamakaawa na ang babae.
"Buksan niyo 'to! Buksan niyo. Maawa na kayo", ang kanyang pagmamakaawa. Kinalampag muli ng dalawa ang bakal na gate. Boog! Boog! Boog!
Nasa loob ulit ako.
Naghahanap pa rin sila. Ano bang hinahanap niyo?
Narinig nila ang mga kalampag ngunit hindi ang mga boses. Natakot sila. Naglakas-loob si Mercedita na silipin iyon mula sa mga grills na hindi niya gaanong maabot. Tumingkayad. Sumilip. Nagulat siya.
Sa isang iglap, nagsisigawan na ang tatlong katao sa loob! Ano? Ano? Shit, anong nangyayari? Naramdaman ko na lang na kailangang mabuksan ang gate.
"Ang anak ko!", sigaw ni Armando. Ito, sa lahat ng mga tunog na alam kong nasa panaginip ko, ang pinaka-narinig ng utak ko. Ito, sa lahat, ang hindi ko makakalimutan. At hindi ko rin alam kung bakit.
Nalilito na 'ko sa mga pangyayari. Ang bilis. Sing bilis ng mga balang handang tumama sa laman nina Chikitita at Eduardo.
Nasa labas.
"Buksan niyo po 'to!", pagmamakaawa ng babae.
"Boogsh!" Kamuntik na sila sa balang 'yon. Putragis.
Sa loob.
Nagsisigawan sila. Hindi nila alam kung paano tutulungan ang dalawa. Maaalalang nasa labas ang padlock. Nasa labas ang padlock. Isa pa, nasa labas ang padlock... Aha! Nilapitan ko ang gate. Nakapagtatakang bigla itong bumaba, dahilan para maabot ko ang grills at maisuot ang kamay ko dito. Maputi ako. Kutis labanos. Yes. Natanaw ko sila Chikitita at Eduardo, umiiyak na yung babae. Nagmamadali na 'ko. Nilagay ko ang dalawa kong makinis na kamay sa malaking gray na padlock. Shit, pa'no 'ko 'to bubuksan, ito ang natanong ko sa aking sarili. Walang susi.
Ngunit sa isang segundo, naisip ko na lang bigla na magagawa ko 'to. Magagawa ko 'to. Magagawa ko 'to. Hinawakan ko yung parang naka-hook na bakal dun sa padlock at tsaka hinila. Presto! Bukas na. Makakapasok na yung dalawa.
Sa labas.
Isang lalaking may baril. Nakita sila. Pinutok ang baril, nakita pa iyon ni Eduardo. Nasa katawan ako ni Eduardo. Ako ang nakakita nun. Kung hindi kami papasok ni Chikitita, isa sa'min ang matatamaan. Shit. Nagbukas yung gate! Pumutok ang bala! Pumasok kami.
Sa loob.
Nakabukas pa rin ang gate. Nakapasok na ang dalawa. Umiiyak. Nagkita ang mag-tatay. Alam kong si Eduardo at Chikitita ang hinahanap ng tatlo. Kaano-ano ko ba 'tong mga 'to? Bukas pa rin ang gate. May mga hoodlum pa sa labas. Kung hindi namin isasara ang gate, mamamatay kaming lahat. Kung may magsasara man, siguradong mamatay ang magsasara nun. Hindi na nila alam ang gagawin nila. Walang gustong magsara. Dug. Dug. Dug. May naglalakad na papalapit. Kailangan nang isara ang gate. Shit, isara niyo na!!!
Tumakbo ako. Bahala na, ang nasa utak ko. Kinuha ko ang padlock. Madaling sinara ang gate. Nilabas ko ang mga kamay ko. Hawak ng kanan ko ang padlock. Nakita ko sa aking peripheral vision ang lalaking naka-cowboy outfit. Tugdug! Tugdug! Tugdug! Punyetang puso 'to! Magmadali ako. Nanginginig na 'ko. Tugdug! Tugdug! Sinukbit ko na ang padlock. Tugdug! Tugdug! Nanlalamig ang mga kamay ko. Tugdug! Tugdug! At ni-lock. Whew! Pota. Tug... Dug. Tug... Dug.
Ligtas na kami. Nakakapit si Chikitita kay Eduardo habang naka-antabay ang mga baril ni Armando at Pablo. Hindi ko pa rin nakikita si Pablo. Hindi ko pa rin nakikita si Mercedita.
Nakahinga kami ng malalim. Nakuha nang ngumiti. Tila kasabay nang pag-lock namin ng gate ang pagkawala ng mga ulol. Hindi ko pa rin alam ang dahilan kung bakit naghahabulan. Hindi ko alam ba 't may hinahanap. Hindi ko pa rin alam kung sino ako. Nakatayo pa rin kami. Hinihingal ako. Naisip ko, napakadaling buksan ng padlock ngunit bakit hindi 'yon ginawa ng mga tao sa labas? Bakit kailangang ako pa ang maglabas ng kamay para buksan 'yon?
Napakadali lang buksan. Napakadali lang din isara. Walang kailangang susi. Walang kahit anong gamit. Lakas ng loob, tapang at lakas ng tibok ng puso lang ang kailangan. Nabuksan ko ang gate. Nabuksan ko. Madali lang buksan. Madali lang isara. Pero ako lang ang nakagawa. Buhay kami. Patay na sila. Yehey. Makakauwi na kami... sa wakas.
*********
Nagising ako. Nagtext. Tumayo. Naghilamos. Ginawa ko 'tong lahat kasabay ng pag-alala ko sa panaginip ko. Inalala ko para hindi muna mawala sa isip ko. Binuksan ko ang router. Binuksan ang laptop. Binuksan ko blog niya. Nagbasa ng tatlong posts. Natawa ako. Natawa. Naaliw pa. Tawa ulit. Tsaka ko naalala na kailangan kong mag-blog. Kaya nag-blog ako. Realidad na. Hindi ko pa rin nakikita ang mukha ni Pablo.
Ngunit ako yata si Mercedita.
Yun o. Tagapagligtas ng mga naaapi. Haha. Ikaw si Pink 5. Haha
ReplyDeleteWala lang tinry ko lang mag comment. Bye.
Halatang napilitan lang. Hahaha! BYE. >:]
ReplyDelete