Naranasan mo na bang subukang kalimutan ang nakaraan?
Yung ayaw mo nang maalala ang mga tao?
Pinaiyak ka man o pinatawa,
Sinaktan o pinasaya,
Minahal o hindi,
Kaibigan, kaaway o walang kwenta?
Naranasan mo na bang kalimutan ang nakaraan?
E yung di sinasadyang makalimutan ito?
Tapos magtataka ka kung bakit parang nakalimutan ka na rin.
Iisipin kung anong kulang, anong mali.
Magtatanong kung totoo bang dumaan ang mga tao't pangyayari sa buhay mo.
Hindi mo rin maintindihan paminsan ang takbo ng utak ng isang tao.
Minsan mahalaga, minsan parang hindi.
Minsan nandyan ka, minsan parang wala.
Ngayong gabi tila tinamaan ako ng kung ano.
Nakaramdam ako ng kakulangan na hindi ko maipaliwanag.
Tsaka ko biglang naalala ang nakaraan,
At ang mga taong naging bahagi ng buhay ko.
Bahagi pa rin naman... hindi lang halata.
Ngayong gabi bakit di natin subukang hanapin ang nawawala?
Alalahanin ang muntik nang makalimutan?
At gumawa ng paraan para ang mga buhay-buhay niyo ay muling magtagpo?
Minsan madali, minsan mahirap.
Ang mga bagay na minsang nagbigay sa atin ng ngiti ay hindi kailanman natin dapat kinakalimutan. Ito'y dahil sa kadahilanang ang mga bagay na ito ay hindi lamang naging parte ng ating buhay, kundi ito'y naging isang malaking parte ng kung ano ang meron tayo ngayon, kung nasan tayo, at kung sino na tayo ngayon.