Wanna find something? Type in.

Sunday, June 5, 2011

Debut ni Buddy.


PART 2: Ang rebelasyon.

Sinabi sa'kin ni Buddy na ka-table ko raw sila Mhoi, ibig sabihin, dun ako sa table ng closest friends niya. Which is sweet pero nakakahiya. Ka-close ko silang lahat sa grupo nila dahil masaya ang bonding ng section namin nung 3rd year kami. Yun kasi ang taon na naging magkakaklase kami at iba yun sa section ko nung 4th year. Naalala kong naluha pa 'ko nung first day ng taong 2009 kay Kristiana (kaibigan ko simula first year at una kaming nagkasundo sa Harry Potter) dahil ayoko sa section ko nung 4th year. Yun kasi yung "medyo" kaaway ng 3rd year section ko at pakiramdam ko mainit ang mata nila saming mga bagong sala. Kamatay.

Ngunit pagkasulat ng attendance, sinabi nila na magkaka-table daw kami nila Bea, Ranah, Arleli, Ange at Jaymart. Si Ange, humabol kila Arleli. Si Jaymart humabol din nung paalis na kami, nakita na lang namin nasa sasakyan na. Ay swak, isang table, table C kami.

Malapit lang sa pinto yung table C at may dalawa pang taga-school (Sienan) namin dati na nakaupo na dun. Hindi na namin nakuhang mag-hello dahil di naman namin sila kilala.

Late nga kami, ang saya. Pero hindi pa naman talagang simula ng party eh, wala pa si Buddy. Habang naghihintay, may fina-flash na video tungkol kay Joyce para may magawa kami. Nagsalita na rin yung host pagkatapos nun. Tangina nagulat ako. Comedian na bakla tas naka-pink cocktail dress siya na over-detailed pero sapat lang, ganon naman talaga ang dapat idamit kung gustong makapukaw ng atensyon.

Sa gitna ang pamilya ni Joyce at pamilya ng boyfriend niya, si Oneill, na unang-una kong ex. Haha. Gulat ka? Nandon ang ate niyang sobrang ganda, as in sobrang ganda at ang naaalala kong una't huli naming pag-uusap namin nun ay nung Grade 5 ako. Tumawag si Oneill sa bahay at pinakausap sakin si Ate Alison.

Ate Alison: Hi! Ikaw si Riz?
Riz: Opo. *shy effect*
Ate Alison: Wala lang, gusto lang kitang makilala. Hindi ko kasi alam kung anong meron sa'yo at ganito 'tong kapatid ko eh.

Feeling ko nakangiti siya nun, ambait ng pagkakasabi niya eh.

Ilang minuto pang paghihintay, dumating na si Joyce, escorted by Oneill. At pagkatapos ng ilang paunang unlak, nag-dinner na kami.

Kakaiba yung mga pagkain. Sa sobrang kakaiba, hindi ko na maalala yung mga tawag sa kanila. Ayputik, hirap pag laking ibang planeta ka. Iskibiribuup ang specialty sa planeta ko eh.

Maswerte si Joyce kay Oneill, maswerte si Oneill kay Joyce. Sa pagkakakilala ko kay Oneill, mabait yun, sobrang bait. Palabiro pa kaya hindi boring pag kasama mo siya. Lahat din gagawin nun para mapasaya ka. Otistik paminsan pero nakakatuwa pa rin.

Nung nag-break kami (dahil sa mga rasong hindi ko maipaliwanag ng maayos) awang-awa ako sa kanya nun. Ako kasi ang una niya siya rin ang una ko. At kung siguro ngayon mauulit yung mga panahong yon, iba ang daloy ng pagkakataon. Biro niyo ba, para raw siyang baliw nung araw na nakipag-break ako. Hindi ko maalala kung kailan e, pero halos maloko raw siya. Alam niyo naman bata, mabilis lumandi, mababaw ang kaligayahan, mababaw ang kalungkutan.

Lagi kong sinasabing hindi ko siya sineryoso. Malabo rin sakin kung ano ba talaga. Pero ang alam ko patay na patay ako nun sa kanya dati. Tangina niya naging bespren ko pa siya nun, alam niya ang bawat pahina ng diary, at laging siya ang bukambibig ko. Kaso iba ang gusto niyang babae nung una. Ang masklap dun, ako pa ang naglalakad sa kanya sa babaeng yun, ako nagpapayo ng gagawin niya, ako tumutulong sa kanya at ako rin ang kumukumbinse na tigilan na niya ang kahibangan niya.

Hindi ko alam kung anong nangyari sa ihip ng hangin, ngunit isang iglap, ako na ang gusto niya, siya pa rin ang gusto ko at kami na. Hahahaha tengene. Isa pang iglap, break na kami, Isa pang iglap Valentine's Day na at siya ang kauna-unahang lalaking nagbigay sakin ng tsokolate at dilaw na bulaklak. Paborito niya dilaw. Isang iglap ubos na ang tsokolate, tuyo na ang bulaklak pero nakatago pa rin ang balat at tuyong alaala ng kahapon. Isang iglap kami na ulit. Isang iglap, wala na ulit.

Siguro nga sineryoso ko siya pero siguro hindi ko sineryoso ang relasyon namin. Siguro rin naisip ko na bata pa 'ko nun at masarap pang makipaglaro. Siguro kung ngayon kami naging ganon baka iba ang agos ng pangyayari. Siguro nga kung nung una pa lang, inamin ko ang pagkakamali ko naging kami ulit sa pangatlong pagkakataon. Siguro magiging dilaw na rin ang paborito kong kulay. Siguro marami pang tuyong bulaklak ang nakatambak sa kabinet ko.

Pero lahat ng ito ay "siguro" lang. Hindi lahat ng kahapon ay maibabalik, hindi lahat ng pagkakataon ay mauulit. Hindi lahat ng relasyon ay muling mabubuo at hindi lahat ng "siguro" ay may kasiguraduhan.

Masaya na 'ko sa buhay ko. Masaya tayong lahat kung nasan tayo. Kung tatanungin ako kung gusto ko bang ibalik yung meron kami dati, iniisip kong mahirap ko itong masasagot. Alam kong maiisip ko ang lahat ng mga nasayang na sandali at gugustuhing makita ang pwedeng mangyari kung sakali.

Ngunit alam ko rin na kung may isang pagkakataon sa aking buhay ang babaguhin ko, maaaring maging dahilan yun upang magbago ang lahat. Maaaring hindi ko maging kaibigan ang mga kaibigan ko. Marahil hindi ako nag-aaral ng mabuti. Marahil umiinom na 'ko ng alak at naninigarilyo. Marahil na ang buhay ko ngayon ay hindi ang magiging buhay ko kung nagpatuloy kami...

Kaya siguro kung tatanungin ako kung gusto ko bang ibalik ang dating kami, ang dating amin, at ang dating kahapon...

Wag na.

Alam kong may dahilan kung bakit ang lahat ng ito ay nangyayari.

Marahil nakakalungkot ang sana'y dapat ngunit alam kong hindi maaaring ito ang maging unang rason upang gustuhin kong maibalik ang kahapon.

At yan ang rebelasyong ngayon ko lang din nalaman.

No comments:

Post a Comment