Gumising ako ng maaga para makaalis papuntang mall. Hindi ako gagala, may bibilhin lang ako. Lumipas na ang ilang oras e nandito pa rin ako sa bahay namin. Nakapag-laba na, nakapag-ayos ng gamit at ngayon ay nagluluto. Okay lang sa'kin magluto dahil unang-una, hotdog, itlog, ham, bacon, tocino at noodles lang naman ang kaya kong lutuin. Yung tipo ng pagkaing mailuluto mo nang madalian. Walang titilamsik na mantika, walang kumplikadong sahog...
Ngunit ngayong araw na yata ang pinaka-masaklap na pagkakataong mangyayari sa tanang buhay ng aking pagluluto. Tulog si ate, tulog isa ko pang kapatid. Wala ang nanay at tatay ko. At dahil bakasyon pa, naiwan kaming tatlo para magasikaso sa bahay.
Ay putragis pag minamalas ka nga naman oh. Isda ang ulam at ako ang nagpi-prito. Ayokong-ayokong nagpi-prito ng kahit anong tumitilamsik yung mantika. Nakakapanghina ang tunog. Bawat pagputok ay tila balang handang targetin ang mga lamanloob ko. Bawat talsik ay tila bombang papatay sa katawang-lupa ko.
Naalala ko kailan lang e sinabihan ako ng ate ko: "Eh kung di ka magpi-prito, pano magiging pamilya mo?" Naisip ko na napakatagal pang panahon yun ngunit sumagi na rin sa utak ko ang essence ng tanong niya. Ang tangi kong nasambit ay, "Haha lintek, hindi sila kakain ng prito. Puro may sabaw." Nagtawanan kami kahit mababaw lang. Mababaw kasi kaligayahan namin.
Kawawa nga naman pamilya ko sa hinaharap. Hindi makakatikim ng prayd tsiken.
Hindi pa rin ako tapos magluto. Nakakapagtaka. Pag nanay ko ang nagpi-prito mabilis lang, maganda pa kalalabasan ng nilutong pagkain. Ngunit pag ako... ayshet mabubutas na sikmura ko isa pa lang ang kumpirmadong luto---hati pa sa gitna, parang namolestiya ng di oras.
Nagsalang pa 'ko ng dalawang isda. Sa sobrang takot ko sa unang pasabog, tumakbo na agad ako pagkalagay ko sa kawali. Hanggang ngayon hawak ko pa yung sandok.
Mapanganib pang lumapit. Parang may giyera lang sa kusina. Ang mga kapatid ko ay matiwasay pang nananaginip samantalang ako ay nagbubuwis ng buhay ko. Pero okay lang, sapat lang. Nalaman ko naman na kahit ayokong magprito e makakaya ko pa rin. Kahit takot akong matalamsikan e matitiis ko pa rin. Kahit isinusumpa ko ang mga putok e mapagtya-tiyagaan naman din.
Pero isinusumpa ko pagtanda ko, may katulong kami. Magpapayaman ako putragis para pwede na rin may sarili kaming chef. Gustuhin ko mang magluto e kung pagpi-prito ang paguusapan, wag na uy.
Lintek na parpi-prito ng isda.
©R. Dalawa na yung luto. Mabubuhay na 'ko nito.
No comments:
Post a Comment