"Sige, gusto mo bang maging katulad ng mga batang kawkaw?"
Matinding panakot 'to ng aking ina noon. At dahil bata pa, takot na takot naman ako. Batang kawkaw ang tawag sa mga batang pakalat-kalat sa kalye. Walang matirhan, walang makain at lasug-lasog ang damit. Nabanggit ko noon ang salitang ito sa aking mga kaibigan at pinagtawanan lang nila 'ko. Bakit? Ako pa lang daw ang kilala nilang nilalang na may alam ng salitang "batang kawkaw". Totoo ba? Shit.
Ano bang brand ng oven ang Pinas? Ang init, potek!
Nilalangis na mukha, pwede nang mag-prito ng itlog. Tagaktak ang pawis, pwede na magtayo ng sariling pool. Pesteng hangin, ginugulo buhok ko, pwede nang maging afro. Punyetang jeep, pwede nang maging jet sa bilis.
Ang sarap magreklamo noh? Napaka-imperpekto naman kasi talaga ng mundo at buhay ng tao. Nakakainis ang maraming bagay. Nandyan ang init ng panahon, ang kalam ng sikmura, pagaspas ng hangin, langis sa mukha, malagkit na pawis at iba pang mga bagay na kung tutuusin ay mababaw lang pero hindi natin maiwasang ireklamo.
Habang pauwi ako sa mala-impyernong init ng ating bansa, sinubukan kong palipasin ang oras sa pag-iisip ng gagawin ko sa aking pag-uwi. Assignment, wala... walang balak gawin. Aral, okay lang... okay lang kahit wag na. Kain, hindi pwede... 'di pwedeng kalimutan. Sulit kung maituturing na nag-iisip ako ng mga gagawin. Madalas kasi, nakatunganga lang ako sa biyahe o di kaya'y natutulog.
Punas, punas at punas pa. Tangina ang init talaga. Naka-puyod na ang aking buhok ngunit wala pa ring patawad ang pagtulo ng tila balon ng pawis sa aking katawan. Malakas ang hangin ngunit mainit ang singaw, nag-iisa talaga ang ating bansa. Punas pa ng pawis.
Sumakay ang mga pasahero at sumunod ang dalawang batang tila batang kawkaw. Madungis, gusgusin, madumi at parang hindi pa naliligo ng ilang buwan. Seryoso ako, buwan talaga.
Bilang isang normal na taong madalas na sumasakay sa walang kupas na jeep, kadalasang ginagawa ng mga batang katulad nila ang mag-shoeshine ng sapatos, tsinelas at pati paa damay na rin. Hindi mo mamamalayan, itim na pala ang kulay nito. O di kaya'y magbibigay ng sobre na may nakasulat na "kami po ay mga badjao, humihingi ng tulong para kami po'y makabalik sa amin..." saka sila maghihintay kung may magbibigay. Kadalasan wala.
Ngunit sa tanang buhay ko, noon lamang ako nakatagpo ng kakaibang pamamaraan upang manlimos. Ang isang bata ay may dalang pinagkabit-kabit na mga lata para ito'y kanyang itambol. Nagbigay sila ng mga sobre, tsaka hinampas ang mga bakal na instrumento.
Hindi ko ugali ang magbigay ng limos dahil konti na lang at baka ako na ang pumalit sa kanila. Aba, aba. Galante ang aking katabi sa kaliwa, nag-abot siya ng barya kasama ang iba pang mga pasaherong tila nasaniban ng mabuting espiritu. Sinulit ko na ang pwesto ko sa dulo ng jeep para makapagtago sa sinag ng araw, pero walang palya si haring araw. Matinik ang kanyang mga galamay.
Patuloy na tumugtog ang mga bata. Tambol, tambol, tambol. Kanta, kanta at kanta. Naniniwala ako na sila'y mga Badjao sapagkat hindi ko maintindihan ang mga liriko ng kanilang awitin. Makalipas ang kulang-kulang na dalawang minuto, nagsalita ang manong na nakaupo sa tapat ko.
"Boy, sino gumawa ng mga sobre niyo?"
Naisip kong isang kalokohan ang tanong na ito. Malamang na sagot dyan ay ang mga magulang nila na masyadong nabusog ng katamaran. Ngumiti lang ang mga bata, yung mga tipo ng ngiting nakakaloko at makikita mong sila rin ay pilyo. Hindi sila sumagot at patuloy lang sa pag-ngisi hanggang nagtanong ulit si manong.
"Sino amo niyo?"
Sumalpok sa mukha ko ang mga salitang binitiwan niya. Sino amo niyo? Tsaka sumagi sa aking isipan na ang mga laboy na ito'y marahil wala sa puder ng kanilang mga magulang kundi’y nasa ilalim ng mga sindikatong humahawak ng mga bata para manlimos sa kalye.
Tuso rin ang dalawang musmos na ito at pinili nilang hindi pansinin ang tanong tsaka sila nag-usap sa kanilang dayalektong hindi ko mawari.
Kita sa mga mata nila ang inosenteng kaalaman sa mundo. Kita sa kanilang mga ngiti at tawanan ang ligayang nararamdaman ng bawat bata. Ngunit hindi makukubli sa kanilang kilos at galaw ang pagiging mga musmos na mulat sa kahirapan.
Matagal-tagal din ang pananatili nila sa jeep. Nakaupo sila malapit sa akin at hindi ko maiwasang mapangiti sa mga usapan nilang kahit malabo ay walang dudang nakakatawa. Masaya ang kanilang halakhakan. Masigasig ang sigaw sa mga kalapit na jeep ng "Karerahan! Karerahan!" Walang palya ang patuloy na pag-uusap... tawanan ulit.
Kung sana'y mayaman ako at may sariling bahay, iimbitahan ko sila doon. Pakakainin, paliliguan, bibigyan ng gamit...
Nasan na kaya ang gobyerno natin? Kumikilos kaya sila para masugpo ang mga ganitong uri ng sindikato?
Nasan ang mga magulang ng mga batang ito? Alam kaya nila ang hirap na nararanasan ng kanilang mga supling?
Alam kaya ng mga batang ito ang kanilang ginagawa?
Palalim ng palalim ang naisip ko ng mga sandaling iyon at hindi ko namalayang nasa Tikling na pala kami. Hindi ko ugali ang magbigay ng limos dahil konti na lang at baka ako na ang pumalit sa kanila. Ngunit tila nag-iba ang ihip ng hangin... dahan-dahan kong ikinilos ang aking kamay para buksan ang aking bag. Sari-sari ang laman nito na sigurado akong wala ang mga batang ito. Patuloy kong kinakapa ang kinalalagyan ng aking pitaka, at nang makapa ko na ito at handang hugutin, tsaka sila biglang bumaba ng jeep.
Sinundan ko sila ng aking tingin at binalak pang tawagin, ngunit tila natikom ang aking bibig sa dahilang hindi ko alam. Noon ko lang napansin... sila pala'y naglalakad sa nakakapasong kalsada at mainit na panahon ng nakayapak.
Nakakalungkot na may magagawa ako pero hinintay ko pang umalis sila para kumilos. Nakakalungkot na maraming pagkakataon ang lantad na sa ating harapan ngunit pilit nating kinukumbinsi ang sarili na marami pa ang darating, saka tayo manghihinayang pag ito'y nawala na at walang kasiguraduhan kung ito'y mababalik pa.
Pababa na ako sa jeep…
Hindi ko inakalang sa isang sakay, marami akong natutunan. Hindi ko inakalang totoo pala ang madalas kong naririnig na "sa isang iglap, lahat ay pwedeng magbago".
Hindi nalalaman ng mga batang iyon, dahil sa kamusmusan, na isang tao ang kanilang nabigyan ng inspirasyon. Hindi ko rin inakala na sa dinami-rami ng tao sa ating bansa, sa mga bata ko pa pala mapupulot ang isang aral na pumukaw ng aking puso't isipan.
Ano bang brand ng oven ang Pinas? Ang init, potek!
Nilalangis na mukha, pwede nang mag-prito ng itlog. Tagaktak ang pawis, pwede na magtayo ng sariling pool. Pesteng hangin, ginugulo buhok ko, pwede nang maging afro. Punyetang jeep, pwede nang maging jet sa bilis.
Ang sarap magreklamo noh? Napaka-imperpekto naman kasi talaga ng mundo at buhay ng tao. Nakakainis ang maraming bagay. Nandyan ang init ng panahon, ang kalam ng sikmura, pagaspas ng hangin, langis sa mukha, malagkit na pawis at iba pang mga bagay na kung tutuusin ay mababaw lang pero hindi natin maiwasang ireklamo.
Bakit nga ba tayo nagrereklamo sa maliliit na bagay imbes na ipagpasalamat na lamang natin na ito'y nangyayari pa kesa hindi; ito'y nasa atin kesa wala...?
Imperpekto mang maituturing ang mundo at buhay ng tao, kanya-kanyang diskarte na lang yan kung paano mo pahahalagahan ang lahat ng bagay na mayroon ka. Kung may masama itong naidulot, matuto tayong tanggapin ito at bumangon sa pagkakamali. Hindi lang naman ikaw ang nahihirapan... lahat ng tao may pinagdadaanan.
Wag ka nang magreklamong konti ang pagkain sa pridyider... dahil may mga batang hindi pa nakakakain ng kanin at prayd chicken.
Wag ka nang magreklamong sira ang sapatos mo... dahil may mga taong yapak na tinatahak ang daang hindi alam ang patutunguhan.
Wag ka nang magreklamong hindi mo nakukuha ang gusto mo... dahil may mga taong hindi makuha ang kailangan nila.
***
"Riz, diba magaling ka? Diba may tiwala ka sa Diyos? Kung ganon, bakit may mga taong namamalimos sa kalye katulad niya? Bakit may mga naghihirap katulad nila? Bakit may mga taong may kapansanan? Bakit parang unfair naman ata..."
"Hindi ko alam..."
***
Dalawang taon na ang nakakalipas nang tanungin ito ng aking kaibigan. Totoong hindi ko alam ang aking isasagot ngunit alam kong may dahilan ang Panginoon. Yun kasi ang madalas kong sabihin nung nasa huling taon pa 'ko ng hayskul: "May dahilan lahat ng bagay. May dahilan kung bakit nangyayari ang mga pangyayari. Hindi man natin maipaliwanag ngayon kung ano at bakit, may tiwala ako na may sagot ang lahat ng ating katanungan..."
Kung tatanungin niya ulit ako, eto na marahil ang aking maisasagot:
"Nariyan sila para ipaalala sa atin kung gaano tayo ka-swerte sa kung anuman ang mayroon tayo. Nariyan sila para hindi natin makalimutang magpasalamat dahil tayo ay kung sino tayo ngayon. May dahilan ang lahat... at kahit mahal ko ang Diyos, hindi ko kayang basahin ang utak Niya kung bakit nga ba may mga taong katulad nila. Pero sa aking pananaw, nariyan sila para paglingkuran ang Diyos sa paraang sila lamang ang makakagawa. Kailangan lang nilang tanggapin ito at isiping ito ay biyayang kubli. Hindi natin dapat kalimutan na lahat ng mayroon tayo ay galing sa Kanya, at dapat ipagpasalamat…”
Bakit nga ba tayo nagrereklamo sa maliliit na bagay imbes na ipagpasalamat na lamang natin na ito'y nangyayari pa kesa hindi; ito'y nasa atin kesa wala...?
No comments:
Post a Comment